WESO Trends 2022
ILO ibinababa ang pagtataya sa pagbawi ng merkado ng paggawa para sa 2022
Ang ulat ng World Employment and Social Outlook Trends 2022 ng ILO ay nagbabala ng isang mabagal at hindi tiyak na pagbawi, dahil sa patuloy na malaking epekto ng pandemya sa mga pandaigdigang merkado ng paggawa.

Bagama't ang pinakabagong tantya na ito ay isang pagbuti ng sitwasyon sa 2021, nananatili itong halos dalawang porsyentong mas mababa ang bilang sa pandaigdigang oras na nagtrabaho bago ang pandemya, ayon sa ILO World Employment and Social Outlook - Trends 2022 (WESO Trends).
Ang pandaigdigang kawalan ng trabaho ay inaasahang mananatili sa mataas na antas bago ang COVID-19 hanggang halos sa 2023. Ang antas ng 2022 ay tinatantya sa 207 milyon, kumpara sa 186 milyon noong 2019. Nagbabala rin ang ILO sa ulat nito ng pangkalahatang epekto sa trabaho na higit na malaki kaysa sa kinatawan ng bilang na ito dahil maraming tao ang umalis sa lakas-paggawa. Sa 2022, inaasahang mananatiling 1.2 prosyentong puntong mababa ang pangdaigdigang partisipasyon sa lakas-paggawa kumpara noong 2019.
Ang pagbaba ng taya sa 2022 ay sumasalamin, sa ilang pagkakataon, sa epekto ng mga kamakailang anyo ng COVID-19, gaya ng Delta at Omicron, sa mundo ng trabaho, pati na rin ang malaking kawalan ng katiyakan sa hinaharap na kurso ng pandemya.
Nagbabala sa ulat ng WESO Trends tungkol sa matinding pagkakaiba sa epekto ng krisis sa grupo ng mga manggagawa at mga bansa. Ang mga pagkakaibang ito ay nagpapalalim sa di pagkakapantay-pantay sa loob at sa pagitan ng mga bansa at nagpapahina sa pang-ekonomiya, pananalapi at panlipunang tela ng halos bawat bansa, anuman ang katayuan sa pag-unlad. Ang pinsalang ito ay mangangailangan ng ilang taon bago maayos, na may potensyal na pangmatagalang resulta sa pakikilahok ng lakas-paggawa, mga kita ng sambahayan at panlipunan at – posibleng - pampulitikang pagkakaisa.
Walang maaaring tunay na pagbawi mula sa pandemyang ito kung walang malawak na pagbangon batay sa merkado ng paggawa. At para mapanatili, ang pagbawi na ito ay dapat ayon sa mga prinsipyo ng disenteng trabaho – kabilang ang kalusugan at kaligtasan, pagkakapantay-pantay, panlipunang proteksyon at panlipunang diyalogo."
Guy Ryder, ILO Director-General
Ang magkaibang epekto ng krisis sa trabaho ng kababaihan ay inaasahang tatagal sa mga darating na taon, ayon sa ulat. Habang ang pagsasara ng mga institusyong pang-edukasyon at pagsasanay ay "magkakaroon ng pabilis na pangmatagalang implikasyon" para sa mga kabataan, partikular sa mga walang access sa internet.
"Dalawang taon sa krisis na ito, ang pananaw ay nananatiling mahina at ang landas tungo sa pagbawi ay mabagal at di tiyak," sabi ni ILO Director-General, Guy Ryder. "Nakikita natin ang potensyal na pangmatagalang pinsala sa mga merkado ng paggawa, kasama ang nakapag-aalalang pagtaas ng kahirapan at di pagkakapantay-pantay. Maraming mga manggagawa ang kinakailangan na lumipat sa mga bagong uri ng trabaho - halimbawa bilang tugon sa matagal na pagbagsak sa pandaigdigan paglalakbay at turismo."
"Walang maaaring tunay na pagbawi mula sa pandemyang ito kung walang malawak na pagbangon batay sa merkado ng paggawa. At para mapanatili, ang pagbawi na ito ay dapat ayon sa mga prinsipyo ng disenteng trabaho – kabilang ang kalusugan at kaligtasan, pagkakapantay-pantay, panlipunang proteksyon at panlipunang diyalogo.”
Kasama sa WESO Trends ang komprehensibong taya sa merkado ng paggawa sa 2022 at 2023. Nagbibigay ito ng pagtatasa kung paano naganap ang pagbawi sa merkado ng paggawa sa buong mundo, na sumasalamin sa iba't-ibang pambansang paraan ng pagbangon sa pandemya at pagsusuri ng mga epekto sa iba't-ibang grupo ng mga manggagawa at sektor ng ekonomiya.
Ang ulat ng ILO ay nagpapakita na tulad ng mga nakaraang krisis, ang pansamantalang trabaho ay lumikha ng isang suporta laban sa dagok ng pandemya para sa ilan. Bagama't maraming pansamantalang trabaho ang winakasan o di nanumbalik, ang mga alternatibo ay nilikha, kabilang ang para sa mga manggagawang nawalan ng permanenteng trabaho. Sa karaniwan, ang saklaw ng pansamantalang trabaho ay hindi nagbago.
Nagbigay din ang WESO Trends ng buod ng mga pangunahing rekomendasyon sa polisiya na naglalayong lumikha ng ganap na inklusibo, nakasentro sa tao na pagbawi mula sa krisis sa parehong pambansa at pandaigdigang antas. Nakabatay ang mga ito sa “Pandaigdigang Panawagan sa Pagkilos para sa isang Nakatuon-sa-taong Pagbawi mula sa COVID-19 na Inklusibo, Nanatili, at Matatag” o “Global Call to Action for a Human-Centred Recovery from the COVID-19 Crisis that Is Inclusive, Sustainable and Resilient,” na pinagtibay ng 187 na bansang miyembro ng ILO noong Hunyo 2021.